Libu-libong atleta mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nakiisa sa pormal na pagbubukas ng Batang Pinoy 2025 National Games na may temang “Husay ng Bagong Bayaning Manlalaro” sa Antonio C. Acharon Sports Complex, General Santos City, Oktubre 25.
Pinangunahan nina Olympic gold medalist Hidilyn Diaz at eight-division world boxing champion Manny Pacquiao ang seremonya ng pagliyab ng sulo ng palakasan— simbolo ng pagsisimula ng linggong puno ng laban, disiplina, at pag-asa para sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
“When you play with integrity, you honor your city or province. When you rise in defeat, you uplift the nation, and when you give your best, you let the Filipino spirit shine,” ani Pacquiao sa kanyang mensahe sa mga Batang Pinoy.
Sa kabila ng pabago-bagong panahon, nagpatuloy ang programa sa pangunguna ni Mayor Lorelie Geronimo-Pacquiao, kasama sina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman John Patrick Gregorio at DILG Secretary, Juanito Victor Remulla, na kapwa nagpahayag ng buong suporta sa mga kabataang atleta.
“Nawa’y magsilbi ang Batang Pinoy bilang simula ng mas malawak [na] paglalakbay tungo sa pagiging kinabukasan ng Philippine sports,” wika ni Mayor Pacquiao sa kaniyang talumpati.
Tinatayang dalawampung libong atleta ang magtatagisan sa 27 sporting events. Bukod pa sa makulay na parada ng mga delegasyon, tampok din ang cultural performances na nagpakita ng pagkakaisa ng mga Kristiyano, Lumad, at Muslim sa Mindanao.
Layon ng Batang Pinoy 2025 na magtatapos sa Oktubre 31 na paigtingin ang grassroots sports development at matuklasan ang mga kabataang atletang maaaring maging bahagi ng pambansang koponan sa hinaharap.
via Marielle Justeene Pacong




