May kasabihan tayong, “walang lihim na ’di nabubunyag.” Pero sa bansang ito, tila ba nasanay na tayong itago ang katotohanan sa ilalim ng mga tarpulin ng proyekto, sa makintab na plakang “funded by,” o sa ngiti ng mga opisyal na tila walang bahid ng kasalanan. Ngunit heto’t muling nagngalit ang kalikasan. Tila ba ito na mismo ang sumisigaw ng mga katiwaliang pilit tinatago ng ilan.
Kamakailan, tumama ang bagyong Uwan at Tino — mga unos na hindi lang nagdala ng ulan, kundi ng aral. Baha rito, landslide roon, at mga pamilyang muling nawalan ng tahanan. Habang nilalamon ng tubig ang mga baryo, maririnig mo ang iyak ng mga batang nanginginig sa lamig at gutom. Pero higit sa lahat, mararamdaman mo ang pait ng katotohanang matagal nang nananalaytay: ang tunay na bagyo ay hindi lang yaong mula sa langit, kundi yaong mula sa bulsa ng mga tiwaling nasa pwesto.
Kapag binaha ang mga lansangan, laging may mabilis na paliwanag: “Dahil sa basurang tinapon ng mamamayan.” Oo, totoo ’yon. Pero sino nga ba ang dapat manguna sa pagtutuwid ng bulok na sistemang ito? Sino ang dapat gumastos nang tama para sa drainage, sa dike, sa reforestation, sa relocation sites? Ilang ulit na tayong pinangakuan ng “rehabilitasyon,” pero bakit tuwing may kalamidad, tila balik sa umpisa ang lahat?
Habang nagtatampisaw ang mga bata sa putik, may mga lider na naliligo sa yaman. Ang pondong dapat ay para sa mga nasira ng bagyo, nauuwi sa mga proyekto ng pagpapasemento ng kalsadang tatagal lang ng isang tag-ulan. Ang mga punong itinanim para sa “reforestation program,” ay nananatiling sa litrato at press release lamang. Ang mga relief goods naman ay napapanis sa bodega, habang nagugutom ang mga nasalanta.
Kaya marahil, napagod na rin ang kalikasan sa pananahimik. Sa bawat pag-ulan, tila siya na mismo ang bumubulong: “Hindi ako galit. Nagsasabi lang ako ng totoo.”
Sa gitna ng unos, makikita mo rin ang kabutihang nananatili. Mga kabataang lumulusong sa baha para mag-abot ng tulong, mga guro at sundalo na handang magsakripisyo kahit sarili nilang tahanan ay wasak na. Sila ang nagpapaalala sa atin na hindi pa huli para baguhin ang takbo ng kwento. Pero paano kung sa susunod na bagyo, mas malakas, mas mapanira, at mas marahas na ang dating dahil sa mga kasalanang hindi natin itinuwid?
Ang korapsyon ay parang putik: kapag kumapit, mahirap tanggalin. Ngunit hindi ibig sabihin ay titigil na lang tayo sa paghuhugas ng kamay. Kailangan nating humawak ng walis, magtulungan, at linisin hindi lang ang paligid, kundi ang mismong ugat ng problema.
Sapagkat habang patuloy nating pinapayagan ang mga kurakot na magtago sa likod ng magarang proyekto, darating at darating ang paniningil. At kapag dumating iyon, hindi lang mga bahay ang mawawala, kundi ang tiwala, pag-asa, at kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Ika nga ni Jessica Soho: “Ikinubli ng kurakotan ay ibinuking ng kalikasan.”
Ito ay hindi lamang pahayag, kundi ay paalala. Isang paalala na ang bawat maling desisyong pinapayagan natin ay may kapalit: lupaing gumuho, ilog na umapaw, at buhay na naglaho.
Kaya sa susunod na marinig natin ang dagundong ng ulan, nawa’y hindi lang takot ang maramdaman natin, kundi pati ang konsensya. Baka hindi ulan ang bumabagsak mula sa langit, kundi mga patak ng katotohanang matagal na nating ikinubli at ngayo’y dahan-dahan nang ibinubuking ng kalikasan.
| via Alexis Pabello




