Bayan, hawak mo ba ang aming kayamanan?
O nakabaon lamang sa bulsa ng iilan
ang salaping aming pinaghirapan?
Ilang pamilya kaya ang nabigyan ng ginhawa
kung napunta sana sa tama
ang pondo na sa inyo’y ipinagkatiwala?
Ilang pasyente kaya ang nailigtas
kung kayo’y naging patas
at natulungan sila sa tamang oras?
Ilang mag-aaral kaya ang nagkamit ng karangalan
kung hindi sila pinagdamutan
ng maayos na silid-aralan?
Bayan, kung tunay kang para sa masa,
Bakit ang tinig ng mahihirap ay tila wala nang halaga?
Bayan, kung tunay kang para sa masa,
Hanggang kailan kami maghihintay para sa hustisya?
Hindi lamang isang trilyong salapi
ang kabuuan na inyong dapat pagbayaran.
Dahil walang halagang makapapantay sa hapdi
ng mga sugat na dala ng sinira ninyong kinabukasan.




